Isang malaking pagsubok para sa karamihan, kung hindi man para sa lahat, ang dala ng COVID 19 virus mula ng ito’y kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Marso ng taong 2020, idineklara ng World Health Organization ang pagkakaroon ng global pandemic na kumitil sa maraming tao, nagpasara sa maraming negosyo at nagbago ng mga kinagawian ng halos lahat ng sektor ng ma lipunan. Dito sa Pilipinas, hindi rin natin naiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at epekto nito sa kalusugan, kabuhayan, edukasyon at iba pa. Kasabay ng pagtaas ng kaso ng mga nadadapuan ng sakit na ito ay ang pag-usbong din ng iba’t ibang isyu na kailangang harapin ng bawat indibidwal. Nariyan ang kawalan ng trabaho, limitadong paglabas at pakikihalubilo, sakit at takot na baka ikaw na ang sunod na magkaroon ng COVID-19. Subalit sa kabila ng mga ito, nasaksihan natin kung paanong unti unting bumangon ang bansa. At sa pagbangong ito, katuwang ang teknolohiyang tumulong upang makapagpatuloy ang mga operasyon ng negosyo, ng paaralan, at maging ng mga ospital. Subalit, hindi rin lingid sa ating kaalaman na marami ang talagang nahirapan na makabalik sa sirkulasyon dahil sa mga limitasyon na mayroon sila at ang kanilang komunidad na ginagalawan. Isa na dito ang mga Ati. Ang mga Ati ay isa sa napakaraming grupo ng mga katutubo o Indigenous Peoples sa Pilipinas. Kagaya ng ibang mga grupo ng katutubo, sila ay may sariling kultura, pamumuhay, paggagamot, gawi sa pamamahala, at pananampalataya. Ngunit unti-unti na rin silang naging bukas sa pakikisalamuha at pakikisamuhay kasama ang mga hindi nila katribo. Bagaman itinuturing sila bilang pinakaunang nanirahan sa isla ng Panay, ang komunidad ng mga Ati ay tila ba naisantabi, nakalimutan at naging isa sa mga komunidad na hindi o mahirap maabot ng mga serbisyong hatid ng gobyerno at ng ibang mga institusyon. At higit itong naramdaman nang dumating ang pandemya. Naging limitado ang galaw ng mga Ati dahil sa mga panukalang pangkalusugan. Hindi sila makalabas at makapaglakbay gaya ng dati dahil may mga kakulangan sa dokumentong kailangan para payagang makalabas. Marami ang nagkakasakit ngunit hindi makapagpagamot dahil sa mga kakulangan. Marami rin ang hindi nakapagpabakuna laban sa COVID-19 dahil sa kakulangan sa impormasyong tatama sa mga maling paniniwala. Ito ang nakitang oportunidad ng Center for Informatics -University of San Agustin na nagpasimuno ng Proyektong Atipan, mula sa salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay mapangalagaan. Sa panahon ng pagsubok, walang maiiwan. Isa itong proyektong pangkalusugan na naglalayong madala sa mga komunidad ng Ati ang serbisyo ng mga doktor sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, ang telehealth. Ang telehealth ay isang inobasyon kung saan ang konsultasyon sa mga eksperto sa larangan ng medisina ay maaari nang gawin sa tulong ng video conferencing. Sa tulong nito, hindi na magiging limitasyon ang layo upang maisangguni sa mga doktor ang mga isyung pangkalusugan na nararanasan. Mas napaigting ang paggamit nito lalo na ng magkaroon ng pandemya kung saan naipatupad ang iba’t ibang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Ngunit para sa mga Ati, ito ay bago at hindi ayon sa kanilang nakagawian na tradisyunal na pamamaraan ng paggagamot. Ayon sa panayam kay Propesor John Paul Petrola, ang Indigenous Community Coordinator ng Atipan Project, hindi naging madali ang paglulunsad ng proyektong ito. Binigyan diin niya na ang Atipan ay resulta ng matagal na relasyon ng grupo sa mga komunidad, mga konsultasyon at diskusyon. Respeto at tiwala ang naging susi sa magandang pagtanggap ng mga Ati dito. Ani Ericka Villasor, isa sa mga health coordinators ng Atipan Project, naging mahirap rin para sa kanila ang pagpapakilala ng telehealth sa komunidad dahil mas pinaniniwalaan ang pisikal na pakikipag usap sa doktor kaysa sa konsultasyon na ginagamitan ng mga makabagong teknolohiya. Subalit sa patuloy at masigasig na pakikipag-usap at pagpapakilala nito, unti-unting natanggap ito ng mga kasama. Ayon pa sa kanya, kalimitang babae ang unang nae-enganyo nilang mapasubok ng telehealth. Marahil dahil ang serbisyong ito ay malapit sa care industry na kalimitang kinabibilangan ng mga kababaihan. Taong 2022 nang masimulan ang proyektong ito sa 10 komunidad sa mga isla ng Guimaras at Panay sa Visayas kasama ang 23 health coordinators na siyang nagsisilbing tulay para madala ang telehealth services sa mga komunidad ng Atipan Project. Ang mga datos mula sa sistemang ito ng Atipan Project ay makapagbibigay gabay sa pagsasagawa ng mga polisiya at programa para sa mga Ati at iba pang sektor. Ngunit maliban sa mga datos na ito, ang kwento ng Atipan ay isang patunay kung paanong ang teknolohiya, kung magagamit at maipapakilala ng maayos sa mas nakakarami ay may malaking ambag upang mas mapabuti ang kalagayan ng isang indibidwal at ng isang komunidad. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang telehealth services sa mga underserved communities na sakop ng proyektong ito at nagdadala ng malaking benepisyo sa lagay ng kalusugan ng mga katutubo at iba pang kababayan. AuthorAng artikulong ito ay parte ng serye ng mga istorya tungkol sa Atipan Project ng Center for Informatics University of San Agustin Iloilo at mga indibidwal na nagrerepresenta ng mga sektor na kabilang sa proyekto. Isinulat ni Issa Paulmanal, isang graduate student mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. email: [email protected]
0 Comments
Leave a Reply. |
Archives
November 2023
Categories
|